Sinisiyasat na ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang ulat ukol sa isang bagong istruktura sa Bajo de Masinloc na posibleng maging banta sa soberanya ng Pilipinas.
Ayon kay PCG Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng NTF-WPS, gumagamit na ng mga monitoring at surveillance tools ang mga ahensya ng gobyerno upang mapatunayan ang katumpakan ng nasabing ulat.
Hinimok din ni Tarriela ang publiko na iwasan muna ang mga haka-haka at maghintay ng opisyal na impormasyon mula sa pamahalaan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagsimula ang pag-aaral matapos ilabas ng US-based non-profit organization na SeaLight ang mga satellite images na nagpapakita ng isang tila man-made structure at floating barrier malapit sa shoal.
Bagamat hindi pa kumpirmado ang eksaktong gamit nito, naniniwala ang SeaLight na malabong manggaling ito sa ibang bansa dahil kontrolado ng Tsina ang naturang lugar simula pa noong 2012.
Binigyang-diin naman ng pamahalaan na mananatili silang matatag sa pagtatanggol sa pambansang interes alinsunod sa international law, kabilang ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award.











