--Ads--

CAUAYAN CITY – Naglabas ng direktiba ang Office of Civil Defense (OCD) region 2 sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa na ng preemptive evacuation sa mga mamamayang nakatira malapit sa mga flood at landslide prone areas sa kanilang nasasakupan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Francis Joseph Reyes, Information Officer ng OCD region 2, sinabi niya na sa kanilang isinagawang pre-disaster preparedness assessment, ibinilin ng kanilang chairman na si Ginoong Harold Cabreros na magsagawa na ng preemptive evacuation ang mga LGU sa mga lugar na laging binabaha at landslide prone areas para maiwasan ang panganib.

Aniya, nagsagawa ng orientation  ang Department of Health (DOH) sa mga PDRRMO kung ano ang mga dapat gawin sa preemptive evacuation ngayon panahon ng COVID-19 pandemic.

Kapag naisagawa ang preemptive evacuation ay mas madali nang isailalim sa triage  ang mga evacuees habang hindi pa dumarating ang bagyong Rolly.

--Ads--

Kailangan aniyang maihiwalay ang mga mamamayang may sintomas ng COVID-19 o mga vulnerable sa virus.

Mahigpit na ring ipapatupad ang no sail, no fishing policy sa mga coastal towns ng rehiyon dos dahil sa malalaking na alon na dulot ng sama ng panahon.

Patuloy naman na nagpapalabas ng tubig ang NIA-MARIIS sa Magat Dam bilang paghahanda sa paparating na bagyo.

Ang water elevation ng Magat Dam hanggang kaninang 9:00 am, October 31, 2020 ay 189.31 meters habang ang inflow ay 489 cubic meters per second (cms) habang ang outflow ay 747 cms at dalawang spillway gate ang nakabukas at 3 meters ang taas.

Ayon kay Ginoong Reyes, may mga nakahandang food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) maging ang mga LGUs.