--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa red alert status ang Office of Civil Defense (OCD) region 2 simula May 8-10, 2022 para sa mahigpit na pagmonitor sa mga kaganapan sa bago at pagkatapos ng  halalan sa Mayo 9, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Michael Conag, information officer ng OCD region 2 na nagpulong ang mga kasapi ng council at tinalakay ang  mga paghahanda at contigency plan para sa halalan.

Ang Commission on Elections (COMELEC) at Department of the Interrior and Local Government (DILG) na frontliner sa halalan ay nagkaroon na ng information drive para sa responsableng pagboto.

Tinalakay naman ng Philippine National Police (PNP) ang deployment ng mga tauhan  at kanilang paghahanda sa halalan.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Conag, pangunahing tututukan ng OCD region 2 ang response sa mga emergencies sa araw ng halalan.

Ang mga mga City at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ay nasa red alert para agad na makatugon sa mga emergency situation sa kanilang nasasakupang lugar.

Tinalakay din sa pulong ng mga  council member ang back up communications at contigency  plan sa power supplies.

Nakaantabay aniya ang medical team ng Department of Health (DOH) at mga local health units  sa mga strategic polling places para sa pagmonitor sa  kalusugan ng mga botante gayundin ang pagsunod nila sa mga minimun health standards.