CAUAYAN CITY– Umani ng mga batikos ang isang OFW matapos mag-organisa ng grupo upang mag-rally laban sa pamahalaang Canada bunsod ng kanyang issue na hindi sapat ang ibinibigay na ayuda sa mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID 19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Filipinang guro sa Canada na si Marissa Quesada, tubong Cabatuan, isabela, sinabi niya na nagpahayag sa Canada-based Broadcasting Network ang Pinay na si Nim Calvez na hindi sapat ang tulong pinansiyal na 2,000 Canadian dollars ng pamahalaang Canada.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Calvez na hindi sapat ang natatangap niyang ayuda mula sa Canadian Government matapos magsara ang kanyang pinapasukang hotel dahil may binubuhay siyang pamilya.
Ayon kay Quesada, maraming Pilipino ang nainis at galit kay Gng. Calvez sa kanyang mga pahayag dahil lumalabas na siya ay walang utang na loob at hindi marunong magpasalamat sa malaking halagang tulong pinansiyal ng Canada para sa kanila.
Dagdag pa ni Gng. Quesada na hindi lang naman isang beses ang pamimigay ng ayuda sa mga nagtatrabaho sa Canada kundi dalawang beses sa loob ng dalawang buwang lockdown.











