
CAUAYAN CITY – Humingi ng tulong sa pamahalaan ang mga OFW’s sa Beirut, Lebanon para makauwi na sila matapos ang malakas na pagsabog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng OFW na si Jolyn Agpaoa ng San Mateo, Isabela na nais na niyang umuwi para maiwasan ang panganib sakaling magkaroon muli ng pagsabog sa Beirut.
Malapit lamang aniya ang gusali na tinitirhan ng kanyang mga amo sa gusali kung saan naganap ang malakas na pagsabog.
Basag ang mga salamin sa gusali at hindi nila alam ang gagawin nang mangyari ang pagsabog dahil bawal ang lumabas bunsod ng lockdown dahil sa COVID-19.
Matagal na siyang nagpalista sa Philippine Embassy para sa mga uuwing OFW’s sa Pilipinas ngunit wala pang tawag sa kanya ang embahada.
Hangad ding makauwi na sa bansa ng OFW na si Ursula Guira ng Kawit, Cavite na nagtamo ng mga sugat sa kanyang mukha, ulo at braso.
Isinalaysay niya sa Bombo Radyo Cauayan na nang binuksan niya ang bintana ng building nang marinig ang unang pagsabog ay nakita niya ang maitim na suok na sinundan ng napaka-lakas na pagsabog.
Nagpapasalamat si Guira na tumilapon siya sa gilid ng kama dahil kung hindi ay natamaan siya ng nahulog na bintanang salamin na dalawang dipa ang haba.
Nasugatan din ang kanyang among babae at kanyang asawa na unang dinala sa ospital.
Nang pumunta siya sa ospital ay hindi na siya naasikaso dahil punung-puno ng mga tao na mas malala pa ang sugat kaya bumalik siya sa kanilang building at siya na mismo ang gumamot sa kanyang mga sugat.
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na inatasan na niya ang asst labor attache sa Beirut na tulungan ang mga OFW na nasugatan at nasawi sa naganap na pagsabog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Bello na kailangang agad na matulungan ang mga apektadong OFW’s sa Lebanon.
Matagal na nilang hinimok ang mga Filipino roon na umuwi na dahil sa epekto ng pagbagsak ng ekonomiya ng nasabing bansa.










