Humihirit ang Office of the Ombudsman ng karagdagang P148.532 milyon na confidential funds para sa 2027 budget nito.
Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Ombudsman Director for Finance and Management Service Christopher Lim na mas mataas ito sa P51.468 milyon na inirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM) para sa confidential expenses ng ahensya.
Sa kabuuan, inirekomenda ng DBM ang P7.232 bilyong budget para sa Office of the Ombudsman, kabilang ang automatic appropriations. Katumbas ito ng 0.1% ng panukalang P7.2 trilyong pambansang budget para sa 2027.
Ayon kay Lim, gagamitin ang confidential funds para suportahan ang mandato ng Ombudsman sa imbestigasyon, prosekusyon at pagpigil sa graft at korapsyon.
Sinabi rin niyang hindi masasayang ang ilalaan na pondo at gagamitin ito nang maayos upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa Ombudsman bilang tagapagbantay ng pamahalaan.
Samantala, sinuportahan ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang kahilingan ng Ombudsman para sa mas malaking confidential funds.
Sinabi naman ni House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing na isaalang-alang nila ang request, ngunit hiniling sa Ombudsman na isumite ito nang nakasulat para sa deliberasyon ng budget amendments review sub-committee.











