Binatikos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa umano’y pagbibigay ng espesyal na pribilehiyo kay dating House Speaker Martin Romualdez habang nakadetine sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.
Sa kaniyang programang “Executive Session” sa DZRH nitong weekend, sinabi ni Remulla na dapat ikahiya ng BJMP ang pagpapahintulot na magkaroon si Romualdez ng personal assistant mula sa labas ng pasilidad. Inilarawan pa niya ang naturang sistema bilang “mafia-like” at nangakong papanagutin ang mga opisyal na sangkot.
Ibinunyag din ng Ombudsman na natukoy na nila ang grupong nasa likod ng umano’y naturang arrangement, bagama’t hindi muna niya pinangalanan ang mga ito. Nangako rin si Remulla na magsasagawa ng surprise inspection sa city jail kung saan nakakulong din ang iba pang high-profile detainees, kabilang sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta.
Samantala, ipinatawag ng Sandiganbayan Third Division ngayong araw si Quezon City Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion, Dr. Henry Fabro at ilang information technology personnel kaugnay ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng espesyal na pagtrato kay Romualdez.
Inatasan din ng anti-graft court ang pamunuan ng kulungan na isumite ang CCTV surveillance logs, maintenance records, ulat sa power interruptions, talaan ng mga bumibisitang sasakyan, paggamit ng ambulansiya at listahan ng mga naka-duty na medical personnel.
Iniutos ang imbestigasyon matapos sabihin ng mamamahayag na si Ramon Tulfo na umano’y nakalabas si Romualdez sa kulungan gamit ang backdoor staircase. Gayunman, binawi na ni Tulfo ang kaniyang pahayag matapos sabihin na maling impormasyon ang naiparating sa kaniya.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng alegasyong nakatanggap siya ng ₱7.4 bilyong kickbacks mula sa mga flood control project. Patuloy siyang dumadalo sa mga nakatakdang pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.











