--Ads--

Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong Usurpation of Official Functions si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio kaugnay ng kontrobersyal na pagbili ng OWWA ng ari-ariang nagkakahalaga ng ₱1.4 bilyon.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, natanggap ng ahensya noong Hulyo 7 ang resolusyon ng Ombudsman na nagsasabing nilagdaan ni Ignacio ang kontrata sa bentahan, deed of absolute sale, at addendum nito, at inaprubahan ang pagpapalabas ng pondo nang walang pahintulot mula sa OWWA Board of Trustees.

Batay sa resolusyon, nagkunwari umanong may awtoridad si Ignacio mula sa Board kahit alam niyang wala siyang ganoong kapangyarihan. Sinabi ng Ombudsman na hindi lamang simpleng paglabag sa administrative procedures ang ginawa nito kundi isang kriminal na paglabag na maituturing na usurpation of official functions, na may kaparusahang anim na buwan hanggang apat na taong pagkakakulong.

Samantala, naghahanda naman ang DMW na magsumite ng Motion for Reconsideration upang muling busisiin ng Ombudsman ang naunang pagbasura sa kanilang mga reklamong graft at plunder kaugnay ng parehong transaksyon. Iginiit ng ahensya na nalugi ang gobyerno matapos umanong mabayaran ang 51 condominium units na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱97 milyon ngunit wala na umano sa lugar nang inspeksyunin ng kasalukuyang pamunuan ng OWWA.

--Ads--