--Ads--

Maaaring magparehistro online ang mga nagnanais na personal na dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte simula alas-2 ng hapon ngayong Linggo, Hulyo 5, 2026, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr.

Ayon sa Senado, pahihintulutan na muli ang mga bisita sa pamamagitan ng Visitor Management System (VMS) ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA). Layunin ng sistemang ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga senador, kanilang mga kawani, mga mamamahayag, mga bisita, at ng publiko.

Matatandaang isinailalim sa heightened alert status ang Senado noong Hunyo 9 bunsod ng umano’y mga banta sa seguridad. Sa isang memorandum, pansamantalang sinuspinde ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ang visitation policy at nagpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad at mga preventive safety protocol sa loob ng Senado.

Noong Mayo, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang impeachment laban kay Sara Duterte dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, katiwalian at korupsiyon, panunuhol, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang mabibigat na krimen.

--Ads--

Noong Hunyo 1, naghain naman ang kampo ni Duterte ng kanilang sagot sa Articles of Impeachment at hiniling sa impeachment court na ibasura ang kaso.