CAUAYAN CITY – Hihilingin ng mga petitioners sa Korte Suprema na isapubliko ang isasagawang oral argument sa Anti-Terror Law ngayong buwan ng Nobyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na plano ng mga petitioners na hilingin sa Korte Suprema na buksan ang oral argument sa media kapag mayroon ng inilabas na guidelines.
Gayunman ay hinihintay pa rin nila ang abiso ng Korte Suprema dahil wala pang sinasabi kung kailan isasagawa ang oral argument.
Sa kabila nito ay umaasa sila na bubuksan ito sa social media para makita ng lahat dahil ang Anti-Terror law ay usapin para sa buong sambayanan.
Una rito ay pinulong na ng IBP ang 37 petitioners pagkatapos na ihayag na magkakaroon ng oral argument sa naturang batas.











