Hindi umano naabisuhan ang pamunuan ng Our Lady of the Pillar Parish Church sa Cauayan City hinggil sa planong pagsasagawa ng protesta ng ilang kabataan sa Isabela sa harap ng simbahan nitong Nobyembre 16.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church, sinabi nitong hindi nila batid ang aktibidad, maging ang mga organizer at layunin nito.
Nilinaw niyang hindi siya ang nag-utos na isara ang gate ng simbahan, kundi naging desisyon ito ng mga tauhan ng parokya dahil sa kawalan ng paunang koordinasyon at paghingi ng permiso.
Binigyang-diin niyang nais lamang nilang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang kaguluhan.
Samantala, hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa Pax Silica, binanggit ni Fr. Ceperez ang panawagan ni Bishop Gerardo A. Alminaza, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (ECSA-JP), na mabigyang-linaw ang mga usapin sa transparency, pondo, paggamit ng enerhiya at tubig, land conversion, at posibleng displacement ng mga Indigenous Peoples.
Ayon sa pari, mahalagang magkaroon ng malinaw na impormasyon at makilahok ang lahat ng stakeholders, lalo na ang mga direktang maaapektuhan ng proyekto, upang matiyak na ito ay para sa kapakanan ng nakararami at maiwasan ang malaking pinsala.











