Ipinaliwanag ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng madalas na nararanasang power interruption sa kanilang nasasakupan at nanawagan ng mas maayos na koordinasyon mula sa mga consumer upang maiwasan ang hindi inaasahang pagkawala ng suplay ng kuryente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engineer Carlos Serrano ng ISELCO 1, sinabi nito na isa sa pangunahing sanhi ng power interruption ay ang overloading ng mga transformer, partikular sa mga lugar kung saan biglaang tumataas ang konsumo ng kuryente.
Ayon kay Engineer Serrano, napapansin nilang dumarami ang mga establisimyento at maging ang mga paaralan na nagdadagdag ng malalaking electrical appliances tulad ng air conditioner at industrial electric fan bunsod ng matinding init ng panahon. Gayunman, may mga pagkakataong hindi naipapaalam sa kooperatiba ang mga idinadagdag na electrical load.
Dahil dito, nalalaman lamang ng ISELCO 1 ang dagdag na konsumo kapag nagkaroon na ng overloading sa transformer na nagiging dahilan ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa apektadong lugar.
Dahil dito, hinihikayat ng ISELCO 1 ang lahat ng consumer, kabilang ang mga paaralan, tanggapan, at iba pang establisimyento, na ipaalam muna sa kanilang tanggapan ang anumang planong magdagdag ng malalaking electrical load upang masuri kung sapat pa ang kapasidad ng kasalukuyang linya at transformer.
Binigyang-diin ni Engineer Serrano na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga consumer upang mapanatili ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at maiwasan ang mga hindi planadong power interruption na nakaaapekto sa maraming residente at negosyo sa kanilang coverage area.
Samantala, nilinaw naman ni Engineer Serrano na hindi lamang sa iisang lugar o paaralan nagkakaroon ng ganitong suliranin. Aniya, maaaring mangyari ang overloading sa alinmang lugar na biglaang tumataas ang demand sa kuryente nang hindi naipapaalam sa ISELCO 1, kaya mahalagang makipag-ugnayan muna ang mga consumer bago magdagdag ng mga kagamitang may mataas na konsumo sa kuryente.










