Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang paglalagay ng mga generator sa mga mahahalagang pasilidad upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga ito sakaling magkaroon ng power interruption ngayong mainit ang panahon.
Ayon kay LDRRM Officer Julius Agustin, mahalagang magkaroon ng alternatibong suplay ng kuryente ang mga critical facilities bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa enerhiya.
Samantala, nakatuon din ang kanilang hakbang sa pagpapalawak ng Information, Education and Communication o IEC campaign upang hikayatin ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente.
Pinaalalahanan ni Agustin ang mga residente na maging responsable sa paggamit ng mga kagamitang de-kuryente at iwasan ang hindi kinakailangang pagkonsumo ng enerhiya.
Binigyang-diin ng opisyal na bagama’t limitado ang kanilang kakayahang tugunan ang pangkalahatang suplay ng kuryente, makatutulong ang paghahanda ng mga kritikal na pasilidad at pakikiisa ng publiko upang mabawasan ang epekto ng posibleng power interruption.











