Overloading ang itinuturong dahilan ng mga nararanasang brownout sa ilang lugar na sakop ng Isabela Electric Cooperative II o ISELCO II.
Sa mga nakalipas na linggo, marami nang consumers ng kooperatiba, partikular sa bayan ng San Mariano, Isabela, ang nagreklamo dahil sa madalas na pagkawala ng suplay ng kuryente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Joseph Palattao ng Technical Services Department ng ISELCO II, sinabi niya na dulot ng matinding init ng panahon ay tumataas ang demand sa konsumo ng kuryente ng mga consumers, dahilan upang mag-overload ang Roxas at San Manuel substations ng ISELCO II.
Ayon kay Engr. Palattao, upang maiwasan ang posibleng pagkasira ng kanilang power transformers, kinakailangan nilang magsagawa ng load dropping o pansamantalang pag-isolate ng ilang lugar na mawawalan ng suplay ng kuryente na minsan ay inaabot sa anim na oras.
Giit niya mas lalong masisira ang transformer kung wala silang isasagawang manual load dropping at posibleng mas malawak na area ang maapektuhan sakaling masira ito.
Aniya, pabago-bago naman ang mga lugar na isinasailalim sa load dropping upang hindi tuluy-tuloy na maapektuhan ng brownout ang iisang lugar.
Ayon kay Engr. Palattao, patuloy ang konstruksyon ng karagdagang substations sa kanilang nasasakupan upang ma-minimize ang mga lugar na maapektuhan kapag may isinasagawang manual load dropping.
Patuloy namang hinihingi ng kooperatiba ang pang-unawa ng kanilang mga consumers habang ginagawa ang mga hakbang upang mapanatiling ligtas at matatag ang suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupan.











