Hindi umano sumunod sa itinakdang 2015 joint circular hinggil sa paggamit at pag-uulat ng confidential funds ang physical and financial plan ng Office of the Vice President (OVP) na inaprubahan noong Disyembre 2022, ayon sa naging testimonya ng dating state auditor ng Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) na si Roderick Wamil sa ika-11 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Wamil na hindi tinukoy ng OVP ang mga partikular na confidential activities na paggagamitan ng pondo, taliwas umano sa itinatakda ng Item 4.2 ng 2015 joint circular ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Governance Commission for GOCCs (GCG), at Department of National Defense (DND).
Ayon kay Wamil, dahil hindi nakasaad ang mga partikular na aktibidad, hindi rin umano maitugma ang mga nakasaad na expected outcomes at physical targets sa planong isinumite ng OVP.
Kinumpirma rin ng dating auditor na ang naturang physical and financial plan, na may petsang Disyembre 13, 2022, ay pirmado at inaprubahan ni Vice President Duterte. Aniya, napatunayan niya ito matapos ikumpara ang lagda sa dokumento sa specimen signature na isinumite ng OVP sa COA.
Bukod dito, itinuro rin ni Wamil ang umano’y pagkakaiba sa mga petsa sa isang certification ng OVP. Aniya, ang dokumento ay may petsang Enero 2022, samantalang ang cash advance na tinutukoy ay para sa ikaapat na quarter ng parehong taon, at na-notaryo lamang noong Enero 2023.
Si Wamil ay iniharap bilang testigo ng House prosecution panel kaugnay ng Article I ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds—P500 milyon mula sa OVP at P112.5 milyon mula sa Department of Education noong kalihim pa nito si Vice President Duterte.










