Nilinaw ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang mga alegasyon tungkol sa umano’y ghost flood control projects sa lalawigan, kasunod ng Facebook post ni Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio, at iginiit na bukas ang pamahalaang panlalawigan sa pagsusuri sa mga proyekto kung mapatutunayan ang alegasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Albano, sinabi niyang transparent ang kapitolyo at handang ilahad ang listahan ng mga proyekto, mga gastos at kung sino-sinong kontratista ang nakakuha ng mga ito.
Ayon kay Albano, kailangang inspeksyunin at masusing imbestigahan ang mga proyektong tinutukoy, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Commission on Audit (COA) at mga kapitan ng barangay upang matukoy kung ano talaga ang naipatupad sa mga lugar.
Aniya, hindi maaaring basta magparatang at mahirap na siya lamang ang nakakakita ng “multo,” lalo’t wala namang naniniwala sa multo kung walang sapat na ebidensya.
Binigyan pa rin umano ng gobernador ng benefit of the doubt si Respicio, ngunit sinabing kailan nitong patunayan ang mga alegasyon at kuhanan ng larawan ang mga proyektong sinasabi nitong hindi naisagawa. Nagpasalamat din siya sa bise alkalde sa pagbibigay-pansin sa usapin.
Samantala, iginiit ni Albano na nakikita ang epekto ng mga flood control project sa ilang lugar, kabilang ang Aurora, Alicia, San Isidro at Sto. Tomas, kung saan aniya ay hindi na gaanong matindi ang pagbaha kumpara noon. Gayunman, kinilala niyang marami pang kailangang gawin upang mapabuti ang mga hakbang laban sa pagbaha.
Binigyang-diin ng gobernador na kung may nakalusot mang anomalya, bukas ang pamahalaang panlalawigan sa imbestigasyon.
Hinimok niya ang sinumang may nakikitang iregularidad na direktang iparating ito sa kanila upang maaksyunan, sa halip na puro post at pahayag lamang sa social media.










