Naglaan ang pamahalaan ng ₱107.4 bilyon para sa mga flood control project sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, kabilang ang pondo para sa pagpapatuloy, pagkukumpuni, rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga umiiral na imprastraktura laban sa pagbaha.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert De Leon, ipinagpatuloy ng pamahalaan ang pagpopondo sa mga flood control project upang matiyak na matatapos ang mga nasimulan nang proyekto at hindi ito mapapabayaan.
Sinabi niya na mas magiging malala ang epekto kung mananatiling hindi natatapos ang mga kasalukuyang flood control project.
Kabilang sa inilaan na pondo ang ₱19.6 bilyon para sa mga nagpapatuloy na foreign-assisted flood control projects at ₱3.41 bilyon para sa flood control program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang ang operasyon at maintenance ng mga pumping station at iba pang pasilidad.
Tiniyak din ng DBM na mas mahigpit na susuriin ang mga proyekto upang maiwasan ang umano’y mga “ghost flood control projects.”
Ayon kay De Leon, kinakailangang may malinaw na lokasyon at kaukulang program of work ang bawat proyekto bago ito maisama sa panukalang budget.
Gagamitin din ng pamahalaan ang mga digital monitoring system, transparency portals at satellite technology upang masubaybayan ang paglalabas ng pondo at aktuwal na implementasyon ng mga proyekto.
Samantala, sinabi ni House Appropriations Committee Chairperson Mika Suansing na sasailalim pa sa masusing pagsusuri ng Kongreso ang mga flood control project bago maisama sa pinal na pambansang badyet para sa 2027.











