--Ads--

Binigyang-linaw ng Our Lady of the Pillar Parish Church sa Cauayan City ang pagpapatupad ng ₱20 parking fee sa kanilang compound, matapos kumalat online ang reklamo hinggil sa paniningil sa mga nagpaparada ng sasakyan sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church Cauayan City, ipinaliwanag nitong hindi lahat ng nagpaparada sa simbahan ay sinisingil ng parking fee. Aniya, libre ang parking para sa mga nagsisimba tuwing oras ng misa.

Ayon kay Fr. Ceperez, sinimulan ang pagpapatupad ng parking fee dahil isa ito sa mga problemang napansin niya nang dumating siya sa parokya noong 2023. Aniya, may mga taong nagpaparada sa loob ng compound nang buong araw, partikular tuwing oras ng trabaho, at iniiwan ang kanilang mga sasakyan habang nagtatrabaho sa ibang lugar.

Paliwanag niya, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4:30 ng hapon lamang ipinapataw ang ₱20 parking fee sa mga sasakyang matagal na nananatili sa lugar. Ang nakokolekta ay nagsisilbing bayad sa taong nagbabantay at nag-aayos ng mga sasakyang nagpaparada sa compound.

--Ads--

Dagdag pa ng pari, layunin din ng paniningil na mapanatili ang seguridad sa lugar. Aniya, may mga ulat na kamakailan hinggil sa mga sasakyang iniiwan sa ibang parking area na kalaunan ay iniuugnay sa banta ng bomba, kaya isa ito sa mga kinatatakutan ng simbahan, lalo na’t wala silang permanenteng security guard na maaaring magbantay sa mga sasakyang iniiwan doon nang matagal.

Binigyang-diin din ni Fr. Ceperez na nagiging problema ang siksikan sa parking lalo na kapag sabay-sabay ang mga aktibidad gaya ng kasal, burol at binyag. Aniya, may mga taong hindi nagsisimba ngunit ginagamit ang parking ng simbahan, kabilang ang ilan na dumadalo sa mga aktibidad tulad ng praise and worship sa ibang simbahan, habang ang mga regular na nagsisimba ang nahihirapang makahanap ng mapaparadahan.

Giit ng pari, hindi negosyo o pagkakakitaan ng simbahan ang naturang parking fee. Aniya, maaari rin itong ituring na donasyon sa simbahan, ngunit pangunahing napupunta ang bayad sa taong naatasang magbantay at tumulongnamag-ayos ng mga sasakyan sa parking area.

Tatlong taon na rin umanong ipinapatupad ang naturang sistema, kaya naniniwala si Fr. Ceperez na nauunawaan na ito ng maraming taga-Cauayan City, lalo na’t naipaliwanag na rin umano sa mga nagsisimba ang patakaran sa mga nakaraang misa.

Ikinalungkot naman ng pari ang naging paraan ng paglalabas ng reklamo sa social media, dahil aniya ay maaaring magmukhang naniningil ang simbahan sa mga taong pumupunta roon upang sumamba.

Muli niyang iginiit na ang ₱20 ay ipinapataw lamang sa mga sasakyang matagal na nakaparada, partikular sa mga gumagamit ng parking habang nagtatrabaho, at hindi sa mga debotong pumupunta sa simbahan para magsimba.

Layunin umano ng parokya na maisaayos ang paggamit ng parking area, mapanatili ang seguridad at mabigyan ng sapat na espasyo ang mga tunay na nagsisimba.