Pinabulaanan ni Santiago City Mayor Sheena Tan-Dy ang umano’y paniningil ng parking fee sa paligid ng palengke sa lungsod matapos makatanggap ng mga ulat na may ilang indibidwal na naniningil ng bayad sa mga motorista.
Ayon sa alkalde, walang awtoridad mula sa pamahalaang lungsod ang sinumang indibidwal o grupo na nagkukunwaring “parking boys” upang mangolekta ng bayad sa naturang lugar.
Binigyang-diin niya na ang paniningil ng P50 hanggang P60 ay walang legal na batayan at hindi kinikilala ng lokal na pamahalaan.
Nilinaw rin ni Mayor Tan-Dy na wala umanong umiiral na ordinansa o opisyal na parking system sa lugar at wala ring inilalabas na resibo o dokumento na magpapatunay na lehitimo ang naturang koleksyon.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na walang obligasyon ang publiko na magbayad sa sinumang naniningil sa lugar.
Babala pa ng lokal na pamahalaan, maituturing na iligal na paniningil ang naturang gawain, lalo na kung may pagpapanggap na kinatawan ng gobyerno, na maaaring magresulta sa pananagutang kriminal ng mga sangkot.
Samantala, tiniyak ng pamahalaang lungsod na paiigtingin nito ang monitoring sa lugar at magsasagawa ng mga hakbang upang maayos ang sistema ng trapiko at paradahan at maiwasan ang pang-aabuso sa publiko.










