--Ads--

Naibalik na sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P60 bilyong pondo mula sa National Treasury.

Ayon sa PhilHealth, ang hakbang ay nagpapakita ng tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kakayahan ng ahensya na gampanan ang mandato nito bilang katuwang ng mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugan.

Pinasalamatan din ng PhilHealth ang Pangulo sa direktiba nitong gamitin ang naturang pondo upang mas mapahusay pa ang mga serbisyong pangkalusugan at mas maabot ang bawat Pilipino.

Kinilala rin ng korporasyon ang mabilis na aksyon ng Department of Finance sa pagbabalik ng pondo.

--Ads--

Binigyang-diin ng PhilHealth ang pangako nitong pangalagaan ang tiwala ng Pangulo at ng publiko.

Tiniyak din ng ahensya na ilalaan ang pondo sa pagpapalawak ng benepisyo, pagpapalakas ng mga sistema para sa mas mabilis na proseso, at paghahatid ng mas episyente, patas, at maaasahang serbisyo sa mga miyembro.

Matatandaang noong Disyembre 2025, inatasan ng Korte Suprema ang pamahalaan na ibalik ang naturang halaga matapos itong mailipat sa National Treasury sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).