Inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes ang panukalang P975.96-bilyong budget ng Department of Education o DepEd para sa 2027, kabilang ang mas mababang pondo para sa School-Based Feeding Program o SBFP.
Ayon kay House Appropriations Committee Vice Chair Rep. Maria Carmen Zamora, katumbas ng 13.55% ng panukalang P7.2-trilyong national budget ang alokasyon para sa DepEd, na siyang may pinakamalaking bahagi sa proposed 2027 budget para sa education sector.
Sa ilalim ng panukala, P11.4 bilyon ang ilalaan sa SBFP, mas mababa kumpara sa P25.7 bilyong pondo ng programa ngayong 2026.
Dahil dito, sinabi ni Zamora na paiikliin mula 180 araw tungong 120 araw ang pagpapatupad ng feeding program, habang pangunahing lilimitahan sa mga kindergarten learner ang universal coverage nito.
Kinuwestiyon naman nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago ang pagbabawas sa pondo ng programa. Hiniling ni Elago na ibalik ang alokasyon sa 2026 level upang mapanatili ang kasalukuyang serbisyo para sa mga mag-aaral.
Samantala, kabilang sa iba pang alokasyon sa ilalim ng panukalang DepEd budget ang P38.12 bilyon para sa government assistance and subsidies at P12.09 bilyon para sa expanded career progression program ng mga kwalipikadong public school teacher.
Hindi pa pinal ang naturang budget dahil daraan pa ito sa Senado at bicameral conference committee bago tuluyang maisapinal ang 2027 General Appropriations Act.











