Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang P975.96 bilyong budget ng Department of Education o DepEd para sa 2027.
Ayon kay House Appropriations Committee Vice Chairperson Maria Carmen Zamora, katumbas ito ng 13.55 porsyento ng proposed national budget para sa susunod na taon at nananatiling pinakamalaking alokasyon sa isang ahensya ng gobyerno.
Kabilang sa pangunahing programa ng DepEd ang School-Based Feeding Program o SBFP, government assistance and subsidies at teacher promotion.
Gayunman, nabawasan ang pondo para sa SBFP sa P11.4 bilyon mula P25.7 bilyon ngayong 2026. Dahil dito, mula 180 araw ay magiging 120 araw na lamang ang implementasyon nito at pangunahing tututok sa mga kindergarten learner.
Samantala, P38.12 bilyon ang inilaan para sa government assistance and subsidies, habang P12.09 bilyon naman ang para sa expanded career progression program ng mga guro.
Hindi pa pinal ang naturang budget dahil daraan pa ito sa bicameral conference committee ng Kamara at Senado bago maisama sa final General Appropriations Act.











