Nagkaroon ng panibagong tensyon sa plenary session kahapon matapos magkasagutan sina Senador Robinhood Padilla at Senador Kiko Pangilinan.
Sa gitna ng deliberasyon, tinalakay ni Padilla ang Senate Resolution 44 at ang usapin sa paglalagay kay Senador Bato dela Rosa sa ilalim ng “protective custody” ng Senado.
Iginiit naman ni Pangilinan na ang naturang isyu ay nasa hurisdiksyon na ng Committee on Rules at mas nararapat nang pagtuunan ng pansin ang iba pang nakapilang usapin.
Habang nagpapaliwanag si Pangilinan, sumingit si Padilla sa kanyang pagsasalita. Dahil dito, tumaas ang boses ni Pangilinan habang ipinapaalala na siya pa ang may hawak ng floor.
Bunsod ng pangyayari, sinabi ni Padilla na nais niyang magsampa ng reklamo laban kay Pangilinan dahil sa umano’y pagsigaw sa kanya.
Matapos ang mainit na palitan, pansamantalang isinuspinde ang sesyon at nagkaroon ng pagkakataon na magharap ang dalawang senador.
Tinangka ni Pangilinan na makipagkamay kay Padilla bilang pag-aayos, ngunit hindi ito tinanggap ng huli.
Ayon kay Padilla, hindi siya sanay na sinisigawan lalo’t naroroon ang kanyang pamilya na nanonood. Idinagdag pa niya na kung siya ang nakagawa ng ganoong asal, agad siyang hihingi ng paumanhin.
Sa kabila nito, itinuloy ni Padilla ang plano niyang paghahain ng ethics complaint laban kay Pangilinan.











