CAUAYAN CITY – Nagtungo na sa lalawigan ng Cagayan ang Aviation Engineer Wing ng Philippine Air Force (PAF) para sa malawakang dredging ng Cagayan River.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Col. Augusto Padua, commander ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) na dumating ang mga kasapi ng 355th Aviation Engineer Wing ng PAF na nakahimpil sa Basa Airbase Pampanga para lumahok sa dredging ng Cagayan River na pinamumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Col. Padua, bukod sa mga inhinyero ng Philippine Air Force ay nagpadala rin sila ng anim na dumptruck at dalawang bulldozer.
Ayon kay Col. Padua, hanggat kailangan sila ng binuong Regional Build Back Better ay nakahanda silang tumulong.
Isasagawa ang launching bukas at kasama ang iba’t ibang opisyal ng ahensiya ng pamahalaan.
Bukod naman sa dredging ay ilulunsad din ang pagtatanim ng mga kawayan sa gilid ng ilog Cagayan.
Sinabi ng opisyal na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na kasama sila sa ganitong proyekto ng pamahalaan dahil noong nakaraang taon ay sinuportahan din nila ang Farm-to-Market Roads sa Rizal, Cagayan at pumunta rin ang mga inhinyero ng Philippine Air Force.












