Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na agad na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tuluyang maalis ang system loss charge na ipinapasa sa mga consumer bilang bahagi ng kanilang buwanang singil sa kuryente.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na malinaw sa pamahalaan ang panawagan ng publiko na mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Ayon kay PBBM, hindi dapat ipinapasa sa mga consumer ang system loss dahil wala silang pananagutan sa pagkawala ng kuryente habang ito ay dumadaan sa transmission at distribution system.
Dahil dito, hiniling ng Pangulo ang agarang pag-amyenda sa EPIRA upang ipagbawal ang paniningil ng system loss sa mga consumer, kabilang ang value-added tax (VAT) na ipinapataw dito.
Ang EPIRA o Republic Act No. 9136 ang batas na nagreporma sa industriya ng kuryente noong 2001. Sa ilalim ng kasalukuyang mga probisyon nito, pinapayagan ang mga distribution utility na ipasa sa mga consumer ang bahagi ng system loss na dulot ng technical losses at ilang non-technical losses, gaya ng illegal connection at pagnanakaw ng kuryente.
Bukod sa pag-amyenda sa EPIRA, hinikayat din ni PBBM ang Kongreso na ipasa ang panukalang “Sariling Kuryente” Act, na layong gawing mas madali at mas abot-kaya ang paglalagay ng rooftop solar panels at battery storage systems sa mga tahanan.
Ayon sa Chief Executive, makatutulong ang panukalang batas upang magkaroon ng mas maraming alternatibong pinagkukunan ng kuryente ang mga Pilipino at mabawasan ang kanilang gastusin sa singil sa kuryente.











