--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy ang isasagawang monitoring ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan sa mga gasoline station upang matiyak na walang motorista ang mag iimbak ng gasolina ngayong may abisong bigtime oil price hike.

Batay kasi sa abiso ng mga kumpanya ng langis, posibleng magkaroon ng higit pisong taas presyo sa produktong petrolyo na epektibo bukas, araw ng Martes.

Dahil dito ay paiigtingin naman ng BFP Cauayan ang kanilang monitoring upang abisuhan na rin ang mga motorista na hindi pahihintulutan ang pag-iimbak ng gasolina kahit pa man mayroong oil price hike.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FSINSP Jhan Mauricel Bumatay, Acting City Fire Marshal sinabi niya na ang pag-iimbak ng produktong petrolyo gamit ang mga plastic material container o iba pang hazardous material ay madaling maging sanhi ng pagkalat ng sunog.

--Ads--

Bagaman wala pa namang na mo-monitor ang nasabing tanggapan kung mayroong mga motoristang mahilig mag imbak ng gasolina dito sa lungsod ng Cauayan, hindi naman aniya nila isasawalang bahala ang posibilidad na gawin ito ng mga motorista lalo na tuwing mayroong oil price hike.

Bagaman nauunawaan naman ng tanggapan na malaking pasanin sa mga namamasada ang taas presyo ng produktong petrolyo, giit naman ng BFP na mas malaking pasanin sakanila kung magkaroon ng sunog.