Pinasisilip ni House Committee on Public Accounts chairperson at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang napaulat na pag-jam ng China sa internet at communication signals sa West Philippine Sea (WPS).
Ang panawagan ni Ridon ay kasunod ng pahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela na nawalan ng Starlink connection ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at PCG vessel MRRV 4409 habang nagsasagawa ng maritime patrol malapit sa Bajo de Masinloc sa WPS.
Ayon kay Ridon, nararapat na imbestigahan ng Kongreso ang mga ulat ng mga cyber activities ng China sa WPS, kabilang na ang alegasyong jamming o pagka-aberya ng mga internet at communication services sa paligid ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Dapat, aniya, na masusing tignan ng imbestigasyon ang epekto nito sa mga mangingisda, kaligtasan sa dagat, pagtugon sa mga sakuna, at operasyon ng mga civilian at government vessels, pati na rin ang mga kakulangan ng ahensya at mga kinakailangang hakbang upang labanan ito.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na nararapat lamang na magkaroon ng mas aktibong papel ang Kamara upang mabigyan ng liwanag ang tunay na nangyayari sa WPS.
Ayon kay Ridon, makikinabang ang mga miyembro ng Kamara kung magsisilbing observer sa mga maritime domain awareness (MDA) flights na isinagawa ng PCG upang mas maunawaan ang mga aktwal na kalagayan sa WPS, ang mga panganib na kinahaharap ng mga personnel at mga sibilyan, at ang mga pangangailangan sa operasyon upang mapanatili ang presensya at proteksyon sa lugar.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Tarriela na hindi lamang ang Starlink systems ang naapektuhan, kundi pati na rin ang internet connection ng mga eroplano na dumaan sa Bajo de Masinloc. Lumabas din umano ang mensaheng “Starlink service is not currently available in this country.”
Ayon kay Tarriela, bumalik lamang ang signal ng eroplano nang umabot ito ng 13 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc.
Ipinahayag ni Tarriela na malinaw na indikasyon ito ng jamming mula sa People’s Republic of China (PRC) at posibleng pagtatayo ng isang geofence na nagdedeklara sa Bajo de Masinloc bilang bahagi ng kanilang teritoryo, kaya nag-trigger ang mensaheng “unavailable in this country.”










