--Ads--

Itinuturing ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Isabela na kapaki-pakinabang o beneficial ang mga pag-ulang dulot ng Tropical Depression Luis, lalo na para sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, PDRRM Officer ng Isabela, sinabi niyang bagama’t ikinatutuwa ng marami ang nararanasang pag ulan, nakahanda pa rin ang pamahalaang panlalawigan sa anumang posibleng epekto ng bagyo, kabilang ang pagbaha at iba pang sakuna.

Ayon kay Foronda, dahil nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Isabela, awtomatiko na ring umiiral ang liquor ban sa lalawigan.

Ipinagbabawal na rin ang paglalayag sa mga karagatan kasunod ng gale warning na inilabas ng PAGASA upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang nasa dagat.

--Ads--

Dagdag pa niya, sanay na ang lalawigan sa pagharap sa mga kalamidad kaya malinaw na sa mga kinauukulang ahensya ang kanilang mga tungkulin, kabilang ang pagpapatupad ng preemptive evacuation at agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente kung kinakailangan.