Naghain ng panukalang batas si Senador Robin Padilla na layong ibalik ang Philippine History bilang hiwalay at pangunahing asignatura sa high school curriculum.
Sa ilalim ng K to 12 program, tinanggal bilang hiwalay na subject ang Philippine History sa high school noong 2014 at isinama na lamang ito sa mas malawak na Social Studies sa junior high school at specialized social science subjects sa senior high school.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 605 o “Philippine History as a Separate Subject Act,” binigyang-diin ni Padilla ang kahalagahan ng mas malalim na pag-unawa ng mga estudyante sa kasaysayan ng bansa at sa kanilang pinagmulan.
Ayon sa senador, hanggang Grade 6 lamang ngayon ang mas malalim na pagtuturo ng Philippine History, kaya dapat itong ipagpatuloy sa high school kung saan mas hinog na ang kakayahan ng mga estudyante sa mas kritikal na pag-iisip.
Giit pa niya, mahalagang patuloy na mahubog ang kaalaman ng kabataan sa kasaysayan upang mapalakas ang kanilang pagkakakilanlan bilang Pilipino, at babala niya na ang pagkawala ng kaalaman sa pinagmulan ay unti-unting pagkawala rin ng identidad ng bansa.











