--Ads--

CAUAYAN CITY– Paiigtingin ng Luna Police Station ang pagbabantay sa isolation facility upang hindi na maulit ang pagtakas ng isang pasyente.

Matatandaang natagpuan patay sa isang bakanteng lote ang isang COVID-19 patient na umanoy tumakas mula sa isolation facility ng pamahalaang bayan ng Luna, Isabela.

Sa naging panyam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya naunang iniulat sa kanilang himpilan ang pagtakas ng COVID-19 patient sa isolation facility noong December 4, 2020.

Agad silang naghanap sa mga lugar na posibleng pinuntahan ngunit hindi nila natagpuan.

--Ads--

Matapos ang ilang araw na paghahanap ay natagpuan ng ilang concerned citizen ang bangkay ng isang lalaki sa bakanteng lote sa barangay Mambabanga.

Agad nilang ipinabatid sa Rural Health Unit ang pagkakatagpo sa bangkay ng lalaki at nang makumpirmang siya ang tumakas na pasyente ay agad na itong kinuha ng mga kawani ng RHU at inilibing.

Hinikayat ni PCapt Asuncion ang mga opisyal ng barangay at mga force multipliers na makipagtulungan sa pagbabantay sa isolation facility.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jaime Atayde, sinabi niya na nalulungkot siya sa pagpapatiwakal ng pasyente.

Dahil sa pangyayari ay nais ng punong bayan na matutukan ang psychological status ng mga COVID-19 Patient na sumasailalim sa Isolation.

Tiniyak ni Mayor atayde na mahigpit na tututukan ng pamahalaang Lokal ang kalagayan ng mga COVID-19 patients at mabibigyan ng kanilang araw-araw na pangangailangan.