
CAUAYAN CITY – Gagawa ng hakbang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2 para malutas ang nagaganap na pagbaha sa bahagi ng national highway sa Aurora, Isabela kapag malakas ang pag-ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Wilson Valdez, Information Officer ng DPWH region 2, sinabi niya na magdamag na nagbantay ang mga kawani ng DPWH nooong gabi ng Linggo dahil sa malakas na pag-ulan.
Nang malaman nila ang nangyaring pagbaha sa bayan ng Aurora ay agad silang nakipag-ugnayan sa DWPH Isabela 2nd Engineering District para matugunan ang nasabing suliranin.
Ayon kay Ginoong Valdez, pag-aaralan nila ang mga dapat na gawin para hindi na maulit ang pagbaha sa bahagi ng pambansang lansangan.
Handa ang DPWH Region 2 na magbigay ng rekomendasyon o panukalang proyekto upang maayos ang problema.
Hiniling ng DPWH Region 2 sa mga mamamayan na mag-ingat kung may ginagawang proyekto ang DPWH.
Hiniling niya sa mga motorista na magkaroon ng disiplina kapag dumadaan sa mga ginagawang lansangan at maging alerto sa mga nakalagay na barikada at signages.




