--Ads--

Inihayag ng Department of Energy (DOE) nitong Martes na posibleng bumaba ang singil sa kuryente kung aalisin, babawasan, o pansamantalang isususpinde ang Value Added Tax (VAT) sa kuryente. Gayunman, sinabi ng ahensya na kailangan muna itong masusing pag-aralan.

Binigyang-diin ng DOE na kailangang sumailalim sa malalim na pagsusuri ng mga economic manager, partikular ng Department of Finance at ng Kongreso, upang matiyak na hindi maaapektuhan ang kita ng pamahalaan at ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo publiko.

Ayon pa sa DOE, anumang panukalang pagbabago sa buwis ay dapat maingat na timbangin upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng mas mababang singil sa kuryente at ang patuloy na pagpopondo sa mahahalagang serbisyo ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, may nakabinbing panukala sa Senado na naglalayong alisin ang VAT sa kuryente para sa mga konsumer na gumagamit lamang ng hanggang 150 kilowatt-hours kada buwan. Kapag naging ganap na batas, maaaring bumaba ng hanggang PHP300 kada buwan ang bayarin sa kuryente ng mga kwalipikadong sambahayan.

--Ads--