--Ads--

Inihayag ni Mayor Inno Dy ng Echague, Isabela na positibo ang kanyang pananaw sa mga mahahalagang isyung tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), partikular ang panukalang pagtanggal o pagbawas sa system loss charge na ipinapasa sa mga consumer sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Inno Dy, sinabi niya na malaking ginhawa para sa mga mamamayan ang anumang hakbang na magpapababa sa singil sa kuryente, lalo na sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon sa alkalde, mahalagang maisakatuparan ang mga panukalang ito upang mabawasan ang pasanin ng mga consumer at makatulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan. Aniya, marami ring magagandang programa at direksyong inilatag ang Pangulo para sa ekonomiya, agrikultura, imprastraktura, at iba pang sektor na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.

Dagdag pa ni Dy, sakaling maipatupad ang pagbawas o tuluyang pagtanggal ng system loss charge at value-added tax (VAT) sa kuryente, posibleng makahikayat ito ng mas maraming mamumuhunan at negosyante dahil mababawasan ang kanilang gastos sa operasyon, partikular sa konsumo ng kuryente.

--Ads--

Umaasa naman ang alkalde na maisasalin sa konkretong aksyon ang mga inihayag sa SONA upang maramdaman ng mga Pilipino ang mga benepisyo nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya sa mga lokal na pamahalaan.