Pansamantalang itinakda ng Sandiganbayan Third Division ang pagdinig para sa preventive suspension ni Senador Rodante Marcoleta sa araw ng Martes, Agosto 18.
Ang unang araw naman ng bail petition hearing ng senador para sa kasong plunder ay itinakda sa Setyembre 3.
Inanunsiyo ito ni Sandiganbayan Third Division chairperson Associate Justice Karl Miranda kasabay ng pretrial proceedings ni Marcoleta at ng kaniyang tatlong kapwa-akusado sa non-bailable case.
Una rito, ipinag-utos ng korte noong Hulyo 22 kay Marcoleta na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat pansamantalang suspendihin bilang senador.
Nagsumite naman si Marcoleta ng kaniyang manifestation noong Agosto 3 na humihiling na pigilan ang pag-isyu ng kaniyang preventive suspension, subalit wala pang komento dito ang prosekusyon.
Pagdating naman sa bail petition ng senador, kinumpirma ng mahistrado na naghain si Marcoleta at kapwa niya akusado ng kani-kanilang petisyon para makapag-piyansa.
Matatandaang humaharap si Marcoleta kasama sina dating Rep. Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray sa kasong plunder kaugnay ng hindi umano pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations ng senador noong 2025 elections.









