Itinuturing ng Commission on Audit (COA) na “irregular” ang paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 dahil sa kakulangan ng mga dokumentong magpapatunay sa mga pinaglaanan nito.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni COA auditor Xylene Mae Del Campo na kabilang ang naturang halaga sa kabuuang P612.5 milyong confidential funds na ginamit ng OVP at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Del Campo, hindi nakapagsumite ang mga ahensya ng sapat na dokumentasyon upang patunayan ang tagumpay ng mga security operation at iba pang pinaglaanan ng pondo.
Tinanong naman ni Senator-judge Francis “Kiko” Pangilinan kung bakit kinailangang gastusin ng OVP ang buong P125 milyon mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, 2022.
Ipinaliwanag ni Del Campo na anumang bahagi ng confidential fund na hindi magagastos hanggang katapusan ng taon ay dapat ibalik sa National Treasury.
Nauna nang sinabi ng auditor na nagsumite ang OVP ng mga karagdagang dokumento matapos makatanggap ng Notices of Disallowance upang tugunan ang mga rekisito sa paggamit ng confidential at intelligence funds.











