--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapasalamat si Governor Carlos Padilla na napigilan na ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Padilla, sinabi niya na naging mabisa ang mga ipinatupad na hakbang ng pamahalaang panlalawigan para mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng mga tinamaan ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagsasagawa ng malawakang contact tracing, pagpapatupad ng aggressive mass testing sa mga bayan ng Solano, Bagabag, Bayombong at Aritao, ang pagpapatupad ng travel eestrictions sa mga residente at pagkakaroon ng maayos na quarantine facility para sa mga isinasailalim sa COVID-19 test.

Ayon kay Gov. Padilla, dahil hindi maayos na namomonitor ang mga sumasailalim sa home quarantine kaya nagpasya silang ihiwalay ang mga COVID-19 positive at ilipat sa barangay, municipal at provincial isolation facility maging sa mga ospital na naatasang humawak ng mga COVID-19 related cases.

--Ads--

Sa ngayon ay 22 na lamang ang mga aktibong kaso ng COVID-19 Nueva Vizcaya kaya lumuwag na ang kanilang mga pasilidad bukod sa isolation facility na hindi pa nagagamit.

Sa kabila nito ay patuloy ang paghihigpit ng pamahalaang panlalawigan at hiniling ni Gov. Padilla sa kanyang mga nasasakupan na huwag maging kampante kundi patuloy na sumunod sa mga panuntunan at health protocols.

Binanggit niya ang binabantayang kaso sa bayan ng Bayombong na magkakamag-anak na nakatira sa isang compound.

Ang pahayag ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya.