--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinalakay sa isinagawang joint meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), pamunuan ng Cauayan District Hospital (CDH) at Provincial Health Office (PHO) ang isyu tungkol sa hindi pagtanggap ng tatlong ospital sa isang buntis na dinala ng Rescue 922 dahil umano sa pagiging suspect case sa COVID-19.

Lumabas sa swab test na negatibo sa COVID-19 ang buntis na si Monette Damatan ng District III, Cauayan City na may asthma at naging sanhi ng kanyang hirap sa paghinga.

Si Monette at bagong silang na sanggol ay namatay sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City kung saan siya inilipat matapos na unang tinanggihan umano ng CDH, Cauayan Medical Specialist Hospital at Isabela United Doctors Medical Center (IUDMC).

Nang unang dalhin ng Rescue 922 si Damatan sa IUDMC ay tinanggihan siya ngunit nang dalhin kinabukasan sakay ng tricycle ay tinanggap ng ospital at inirekomendang dahil ang buntis sa CVMC.

--Ads--

Inihayag CDRRM Officer Ronald Viloria na matapos na hindi tanggapin ng tatlong ospital sa Cauayan City ang pasyente na kanilang ini-refer ay iniuwi siya pansamantala sa kanilang bahay at kinaumagahan ay muling dinala sa IUDMC ng kanyang kapamilya sakay ng tricycle at tinanggap naman ng ospital.

Matapos umanong tanggapin ay tumawag ang ospital sa Rescue 922 upang  ipahatid si Damatan sa CVMC.

Ayon kay Ginoong Viloria, hindi niya alam kung anong pinagkaiba ng tricycle sa kanilang ambulansiya na pinagsakyan kay Damatan upang hindi siya tanggapin ng mga ospital.

Ang pahayag ni CDRRMO Ronald Viloria.

Sa panig ni Dr. Herrison Alejandro, chief of hospital ng CDH, sinabi niya na ipinayo ng isang doktor na maaaring kailangan ng pasyente ang mas malaking ospital na titingin dahil sa kanyang  sitwasyon.

Nagkaroon naman aniya ng pag-uusap ang ospital at ng responder ng Rescue 922 na tatanggapin nila ngunit kailangan pa rin siyang dalhin sa mas malaking ospital dahil walang naka-duty na obstetrician.

Dagdag pa ni Dr. Alejandro na kung wala nang tatanggap sa pasyente ay maaari naman nilang ibalik sa kanilang ospital ngunit mapanganib  ito sa pasyente dahil batay sa kanilang assessment ay asthma ang dahilan kung bakit siya nahihirapang huminga kaya hindi siya maaaring isailalim agad sa cesarean section.

May mga  naunang kaso na rin umano na ibinabalik sa kanila ang mga dating ini-refer na pasyenteng hindi tinanggap sa ibang ospital  ngunit sinasabi sa pamilya ng pasyente ang kapasidad ng level 1 hospital tulad ng CDH na may mga kulang na pasilidad.

Ang pahayag ni Dr. Herrisson Alejandro.

Hindi nakadalo sa joint meeting ang mga  kinatawan ng ibang ospital na tumangging i-admit si Damatan.

Samantala, naglabas ng saloobin ang pamilya Damatan sa pagkasawi ni Monette Damatan at isinilang na sanggol dahil sa ginawang pagtanggi sa kanya ng tatlong ospital sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mailyn Damatan, hipag ni Monette, sinabi niya na nagtataka sila kung bakit sinabing COVID-19 suspect ang kaniyang hipag gayong asthma ang sanhi ng kanyang hirap sa paghinga.

Matapos ang paunang assesment ng Rescue 922 ay itinawag sa CDH na dadalhin doon ang pasyente ngunit tinanggihan siya kaya dinala sa Cauayan Medical Specialist Hospital.

Gayunman, sinabi ng isang nurse na wala silang bakanteng isolation room para sa pasyente kaya  inilipat sa IUDMC ngunit ganoon din ang naging tugon ng ospital.

Sa huli ay nagpasya ang Rescue 922 na pauwiin muna ang pasyente para makapagpahinga at  binigyan siya  ng oxygen tank para magamit  at maibsan ang nararanasang hirap sa paghinga.

Ayon pa kay Mailyn, nang dalhin nila ang kanyang hipag sa IUDMC sakay ng tricycle ay agad  ipinasok ang kanyang hipag sa isolation room at  nanatili siya ng apat na oras bago nagpasya ang ospital   na ilipat siya sa CVMC.

Habang nasa daan sakay ng ambulansiya ng Rescue 922 ay naubusan sila ng oxygen kaya kinailangan pa nilang maghanap kung saan maaaring makabili.

Ayon kay Gng Damatan, nauna  nilang sinabihan ang IUDMC na kulang ang dalawang tangke ng oxygen na dala nila subalit hindi umano nakinig ang ilang hospital personnel.

Pagdating nila sa CVMC ay natagalan pa bago inasikaso ang kaniyang hipag dahil sa ilang pasyante na sumingit  at nang asikasuhin na siya ng mga hospital personnel ng CVMC ay dinala sa operating room ang kaniyang hipag.

Mula alas sais ng gabi hanggang alas nuebe ng gabi ay wala umano silang natanggap na feedback sa CVMC hanggang sa papirmahin siya ng ilang dokumento ng doktor na nag-opera sa kaniyang hipag.

Matapos pumirma ay nakatanggap na sila ng tawag na patay ang ipinanganak na sanggol maging ang kaniyang hipag.

Nakabalot na ng supot si Monette at kanyang baby nang ibalik sa kanila.

Hindi rin umano sila pinayagan na maiburol ang mag-ina dahil pinayuhan silang ilibing sa loob ng 12 oras.

Ang pahayag ni Mailyn Damatan.