--Ads--

CAUAYAN CITY- Ikinalungkot ng San Guillermo Police Station ang pagkasawi ng isa nilang kasamahang pulis na nasangkot sa aksidente sa bypass road na bahagi ng Brgy. San Mateo, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng San Guillermo Police Station sinabi niya na nalaman nito ang pangyayari matapos  makatanggap ng mensahe mula sa hepe ng Tumauini Police Station hinggil sa naganap na insidente na kinasankutan ni Patrolwoman Agnes Guiquing.

Aniya na kagagaling lamang umano sa duty ng biktima at pauwi na sana ito sa kanilang bahay sa Cagayan nang salpukin ng kasalubong na SUV ang minamanehong kotse nito.

Agad na nagtungo ang kanilang hanay sa lugar matapos makarating sa kanilang himpilan ang insidente upang tingnan ang kalagayan ng biktima.

--Ads--

Ilang linggo pa lamang umano simula ng madestino si Patrolwoman Guiquing sa San Guillermo Police Station at  ayon sa pahayag ng  hepe ay masipag umano ang biktima bilang isang PNP member.

Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP San Guillermo sa pamilya ng nasawing pulis at inaasikaso na nila ang  labi ng biktima na iaasahang ibuburol sa Isabela Police Provincial Office.

Nagpaalala naman ang hepe sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho.