Tuluyang nalambat ng pinagsanib na pwersa ng pulisya ang isang indibidwal na kabilang sa Top Most Wanted Persons sa antas rehiyonal matapos maaresto sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong murder.
Kinilala ang naaresto sa alyas “Dexter” No. 3 Top Most Wanted Person Regional Level) 20-anyos, binata, isang college student, at residente ng Brgy. San Macario, Delfin Albano, Isabela.
Batay sa ulat, matagumpay na maisilbi ang Warrant of Arrest laban sa akusado sa Brgy. Dinadiawan, Dipaculao, Aurora. Ang naturang warrant ay may petsang Abril 7, 2026, na may kaukulang kasong Murder at walang inirekomendang piyansa.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Delfin Albano Municipal Police Station (Lead Unit) katuwang ang PIU Isabela PPO, CIDG Isabela Provincial Field Unit, Isabela PHPT-HPG, RIU2-PIT Isabela West, at 2nd Aurora Provincial Mobile Force Company ng Aurora PPO, PRO3.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Delfin Albano MPS para sa kaukulang dokumentasyon bago isailalim sa turnover sa hukuman na nagpalabas ng warrant.











