CAUAYAN CITY – Itinuturing ng militar na malaking kawalan sa grupo ng mga rebelde na kumikilos sa Ilocos at Cordillera Region ang pagsuko ng isang high value ranking official ng New People’s Army (NPA) sa mga pulis at sundalo ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na ang sumuko ay si Jacinto Faruden o Ka Digbay, 1st Deputy Secretary ng Ilocos-Cordillera Regional Committee o ICRC na kumikilos sa Ilocos Region at Cordillera.
Aniya, boluntaryong sumuko kahapon si Ka Digbay SA pagtutulungan ng 54th Infantry Battalion, 503rd Infantry Brigade ng 5th ID at Police Regional Office Cordillera gayundin ang kanyang mga pamilya.
Ayon kay Maj. Tayaban, malaking kawalan sa naturang grupo ang pagsuko ng pangalawa nilang commander lalo na at ikalawang pinakamagaling sa pagpaplano ng- kanilang mga aktibidad.
Aniya, si Ka Digbay ay may patung-patong na kaso at dadaan sa tamang proseso.
Dahil dito, muling hinimok ni Maj. Tayaban ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA) na sumuko na at samantalahin ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) na ipinagkakaloob sa mga sumusukong rebelde.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng 5th ID ang sumukong lider ng rebelde.
Kaugnay nito ay nagpapasalamat naman ang buong hanay ng 5th ID sa pangunguna ni Brigadier General Laurence Mina, Commander ng 5th ID sa pagsuko ni KA Digbay dahil napakaganda itong desisyon.
Magsilbi sana aniya itong daan para sumuko na rin ang iba pang miyembro ng CPP-NPA.











