Suportado ng PHILRECA Party-list ang planong alisin ang system loss sa bayarin sa kuryente, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PHILRECA Party-list Rep. Presley De Jesus, sinabi niyang matagal na nilang isinusulong ang pagtanggal ng system loss sa singil sa kuryente, ngunit kinakailangan pa itong malinaw na maipaliwanag at maayos na maipatupad.
Ayon kay De Jesus, may dalawang uri ng system loss na kasalukuyang sinisingil sa mga konsyumer, ang technical at non-technical loss. Ang technical loss ay ang pagkawala ng bahagi ng kuryente habang ito ay ipinapadala mula sa pinanggagalingan patungo sa mga tahanan at establisimyento. Samantala, ang non-technical loss ay dulot ng ilegal na paggamit o pagnanakaw ng kuryente ng ilang mamimili.
Gayunman, sinabi niyang isa sa pinakamahalagang bahagi ng SONA ay ang panukalang alisin ang Value Added Tax (VAT) sa singil sa kuryente. Aniya, magiging malaking ginhawa ito sa mga Pilipino kung maisasabatas ang naturang hakbang.
Upang mapunan pa rin ang bayarin sa system loss, sinabi ni De Jesus na maaari itong sagutin sa pamamagitan ng subsidiya mula sa pamahalaan. Gayunman, iginiit niya na mas makabubuting dito ilaan ang pondo ng gobyerno dahil direktang makikinabang ang lahat ng Pilipino sa mas mababang singil sa kuryente, kumpara sa ilang proyekto na pinakikinabangan lamang ng iilang sektor.
Dagdag pa niya, maaari rin itong magkaroon ng domino effect sa ekonomiya dahil kapag bumaba ang gastos sa kuryente, posibleng sumunod ding bumaba ang presyo ng iba pang produkto at serbisyo.











