--Ads--

May panawagan ang grupong Kontra Daya kasunod ng mga ulat ng Chinese Interference sa Philippine Election.

Matatandaang sa nakalipas na araw ay isang chinese national ang inaresto malapit sa Comelec main office at nahulihan ng telephone eavesdropping device.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Election Watchdog na Kontra Daya sinabi niya na nararapat lamang na masusing maimbestigahan ito ng pamahalaan dahil hindi dapat magkaroon ng ganitong device ang mga dayuhan sa bansa maging ang mga ordinaryong mamamayan.

Ginagamit lamang aniya ito ng law enforcement agencies para sa surveillance maging ng mga telecommunication companies bagamat regulated ang kanilang paggamit nito.

--Ads--

Kailangan aniyang malaman kung sino ang mga nasa likod ng pang-eespiya at mga kasabwat na pilipino.

Kailangan ding pagpaliwanagin ang embahada ng China kung sino ang inaresto at ano ang pakay sa ginagawang espionage sa Pilipinas.

Dahil sa lumalalang election interference ay dapat ding maging masigasig ang lahat ng mga Pilipino sa pagkondena sa nagdaang eleksyon kung saan dayuhang kompanya ang tumutulong sa pangangasiwa ng mga vote counting machines.

Malaking katanungan din aniya ang hindi pagkakapili ng mga local IT Expert ng bansa na gumawa ng sariling vote counting machines na gagamitin sa halalan dahil ang pinili ay ang mga dayuhang kompanya.

Kung aaralin ang nangyayaring geopolitical tension sa rehiyon ay maraming bansa katulad ng China ang maaring nais makialam sa halalan ng bansa upang mahalal ang mga lider na pabor sa kanilang interes.

Wala pa aniyang nakikitang Pro Filipino Independent Policy at laging ikinakabit sa mga pulitiko ang Pro China, Pro US at iba pang bansa na kanilang pinapanigan sa usapin ng Geopolitical perspective.

Umaasa ang Kontra Daya na imbestigahan ng mga concerned agencies ang money trail o pinanggagalingan ng mga ginagamit na pera ng mga kandidato dahil maaring nagmumula na ito sa ibang bansa na nais makialam sa nalalapit na eleksyon.