Patuloy na pinahahalagahan ng mga mananampalataya sa Santiago City ang palaspas bilang mahalagang simbolo ng pananampalataya tuwing Palm Sunday, kung saan kasabay nito ang pananalangin para sa kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng kanilang pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Clarabal Jose, 62 taong gulang, isang deboto, sinabi nito na ang palaspas ay sumisimbolo sa pananampalataya at nagsisilbing proteksyon para sa pamilya.
Ipinaliwanag niya na karaniwan itong isinasabit sa loob ng bahay bilang paalala ng patuloy na pananalig sa Diyos.
Dagdag pa niya na sa tuwing Palm Sunday, isinasabay niya ang panalangin upang mailayo ang sarili at kanyang mga Minamahal sa buhay sa anumang sakit at kapahamakan, gayundin ang paghingi ng mahabang buhay at mabuting kalusugan para sa mga mahal sa buhay.
Samantala, ipinunto ng simbahan ng Saint James the Apostle Parish Church na ang mataas na partisipasyon ng mga deboto sa mga gawain tuwing Palm Sunday ay patunay ng matibay na pananampalataya at pagpapahalaga sa tradisyon.
Ayon sa mga opisyal, ang palaspas ay nananatiling simbolo ng panalangin, pag-asa, at pagkakaisa ng komunidad sa pagsisimula ng Semana Santa.











