--Ads--

Nakikita ng lokal na pamahalaan ng Santiago ang malaking oportunidad upang higit pang mapaunlad ang lungsod sa larangan ng urban planning, edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng patuloy na inobasyon at pakikipagtulungan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Sheena Tan-Dy, sinabi nito na mahalaga ang pagbabahagi ng mga makabagong pamamaraan sa pagitan ng mga lungsod upang mas mapabuti ang serbisyo sa mamamayan.

Ayon sa alkalde, bagamat marami ang kinahaharap na suliranin ng bawat probinsya at lungsod sa buong bansa, naniniwala itong makakamit ang kaunlaran sa pamamagitan ng grassroots development o pagpapaunlad mula sa mga lokal na pamahalaan.

Ipinunto rin ni Tan-Dy na isa sa mga layunin ng kanilang administrasyon ay maipakita ang kakayahan ng Santiago City sa rural development.

--Ads--

Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ng lungsod ang pagtatayo ng one-stop shop sa Four Lanes Plaza kung saan matatagpuan na ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Highway Patrol Group (HPG), Land Transportation Office (LTO) at iba pang opisina upang mas mapadali ang transaksyon ng publiko.

Samantala, inihayag din ng alkalde na handang-handa ang Santiago City sa ikalawang pagkakataon nitong pagho-host ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026.

Aniya, nakahanda na ang 37 barangay sa lungsod upang ipakita ang mainit na pagtanggap sa mga atletang kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan Valley, kasabay ng hangaring muling mabigyan ng pagkakataon ang lungsod na makapag-host ng mga kahalintulad na malalaking aktibidad sa hinaharap.