Nasawi ang Palestinian goalkeeper na si Saleem Al-Ashqar sa Gaza nitong unang bahagi ng linggo, ayon sa pahayag ng Palestinian Football Association (PFA).
Ayon sa PFA, napatay si Al-Ashqar matapos umanong pagbabarilin ng mga puwersa ng Israel. Sinabi rin ng samahan na kabilang siya sa daan-daang personalidad sa larangan ng palakasan na nasawi mula nang magsimula ang digmaan sa Gaza noong Oktubre 2023.
Ipinahayag ng PFA na mahigit 1,000 atletang Palestino na ang namatay sa nagpapatuloy na labanan sa rehiyon.
Limang buwan pa lamang umanong kasal si Al-Ashqar at kasalukuyang nagdadalang-tao ang kanyang asawa sa kanilang unang anak.
Bumuhos naman ang pakikiramay mula sa kanyang mga kamag-anak, kasamahan sa koponan, at iba pang miyembro ng sports community at iba’t ibang bahagi ng mundo matapos ang kanyang pagpanaw.





