--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinihintay pa ng pamahalaang panlalawigan ang tulong na ibibigay ng national government sa mga magsasakang nasiraan ng pananim na palay at mais sa mga nagdaang bagyo bago mamahagi rin ng tulong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na hihintayin muna nila ang tulong na ibibigay ng pambansang pamahalaan para doble ang tulong na matatanggap ng mga magsasaka na napinsala ang mga pananim.

Ayon kay Gov. Albano, may sapat na pondo ang pamahalaang panlalawigan ngunit kailangan ding paghandaan ang pamamahagi ng bigas sa mga mamamayan na karaniwang ginagawa ng lalawigan pagdating ng buwan ng Disyembre.

Ayon pa sa punong lalawigan, hindi puwedeng bilhin ang mga basang palay dahil sila rin ang mahihirapan na mamahagi at magbenta.

--Ads--

Mangangamoy aniya ang mga ito kapag hindi agad na natuyo kaya dapat sagutin na lamang ng crop insurance ang mga nasirang palay at bigyan ng ayuda ang mga magsasaka.

Ang mga palay namang tuyo subalit hindi maganda ang kalidad ay bibilhin pa rin ngunit sa mababang halaga at bibigyan na lamang sila ng ayuda.

Sinabi pa ni Governor Albano na bumibili naman ang National Food Authority (NFA) ng 19.00 bawat kilo at pinapadagdagan niya ng piso.

Ang pahayag ni Gov. Rodito Albano.