Nagbahagi ng isang emosyonal at matapang na mensahe sa social media si Dr. Clifford Dela Cruz kaugnay sa brutal na pagpatay sa kanyang asawa na si Lullete Jane Ramilo Dela Cruz, ang 32-anyos na public teacher at dating Miss Philippines Earth 2013 runner-up.
Matatandaang binaril at napatay ang biktima sa labas mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela noong gabi ng Pebrero 13, 2026, na nasaksihan mismo ng kanilang mga menor de edad na anak.
Sa kanyang post, ipinahayag ni Dr. Dela Cruz ang matinding pighati habang dindala ng kanilang pamilya ang trauma, lalo na’t napaulat na nagtatago na sa abroad ang mga taong itinuturong sangkot sa krimen. Binigyang-diin niya na isang ina, asawa, at mahal sa buhay ang nawala sa kanila at hindi dapat balewalain ang matinding epekto nito sa kanilang mga anak.
“At tandaan ninyo, hindi lang ina ng aking mga anak ang nawala sa amin muntik niyo ring idamay ang buhay ng aking mga anak dahil lang sa pride ninyong walang kwenta. Sinira ninyo ang peace of mind ng mga batang wala namang kasalanan.” ani Dr. Dela Cruz sa kanyang pahayag. Aniya, bukod sa pagkawala ng asawa ay muntik na ring madamay ang buhay ng kanilang mga anak dahil lamang sa walang saysay na pride, ego, galit, at kapalaluan ng mga responsable sa krimen.
Hayagan ding pinuna ng doktor ang estado ng hustisya, kung saan sinabi niya na kung hindi kilala ang biktima ay posibleng hindi nabigyan ng pansin sa balita at social media ang nangyari. Gayunpaman, sa kabila ng impluwensya, yaman, at kapangyarihan ng mga utak sa krimen, naniniwala siyang mananaig ang katotohanan.











