
CAUAYAN CITY – Nanawagan ng pang-unawa sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Oman ang Philippine Labor Office o POLO sa naturang bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Greg Abaloz, labor attache ng POLO sa Oman, sinabi niya na hindi lamang sa Bansang Oman ang nagkakaroon ng suliranin para sa repatriation.
Aniya, sinimulan nilang pag-aralan noong buwan ng Mayo ang pagsasagawa ng repatriation sa Oman sa pamamagitan ng Pre-Repatriation survey para malaman kung sino ang mga OFW na nais nang makauwi o bumalik na sa bansa.
Gayunman, batay sa naging pahayag ng Ambassador ng POLO Oman kay kalihim Martin Andanar ay uunahing ma-repatriate ang mga OFW na may ticket na, may pamasahe, pinauuwi na ng employer at mga OFW na sasagutin ng Employer ang Pamasahe pauwi ng bansa.
Aniya, ang mga OFW na wala pang ticket ay mailalagay sa ibang kategorya na muli naman nilang ilalapit sa kanilang cental office dito sa Pilipinas upang masuri at mapag-aralan.
Giit niya na bago pa man matapos ang Ramadan ay nakipag-ugnayan na sila sa Oman Air na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa CAAP.
Nagsumite na rin sila ng sulat sa DFA para makapag-request ng Landing schedule para sa Oman Air na itinakda sa Ika-20 ng Hunyo.
Mismong Oman air ang tatawag sa mga marerepatriate na OFW.
Bagamat 1st came 1st serve aniya ay uunahin ang nasa priority list na naisumite na sa Embahada ng Pilipinas.
Naiintindihan naman aniya nila ang sentimiyento ng mga OFW subalit nais lamang din nilang ipaunawa na may limitasyon din ang POLO sa Oman.
Inihalimbawa niya ang sitwasiyon ni Ginoong Joel Agustin, isang OFW na gustong marepatriate na nauna na nilang sinulatan ang kaniyang employer o kumpaniyang pinapasukan.
Napag-alaman na una na itong nakatanggap ng relief mula sa Philcosoc at nabigyan din ng food allowance ng kanilang kumpaniya.
Subalit dahil hindi pa tapos ang kaniyang kontrata ay pinayuhan nila ito na maghain ng reklamo sa Ministry of Manpower.
Pinayuhan naman niya ang mga OFW na manatiling kalmado.










