--Ads--

Muling nanawagan ang isang grupo para sa agarang pagpasa ng divorce law sa Pilipinas upang mabigyan ng legal na paraan ang mga indibidwal na makaalis sa mapang-abuso, wasak, at hindi na maayos na pagsasama.

Sa pagdinig ng House Committee on Population and Family Relations, iginiit ng mga tagapagtaguyod na mahalaga ang batas upang maprotektahan ang mga biktima ng domestic abuse, abandonment, at irreparable relationships, anuman ang magiging terminolohiya nito, divorce man o dissolution of marriage.

Ipinunto rin ng grupo na matagal nang hinihintay ng maraming Pilipino ang repormang ito at hindi dapat maantala dahil lamang sa usapin ng pangalan ng panukala.

Samantala, sinabi ni Rep. Benny Abante Jr. na bukas siya sa divorce ngunit nais niyang ito ang tuluyang pumalit sa annulment system kaysa magdagdag pa ng panibagong legal remedy.

--Ads--

Binigyang-diin naman ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na layunin ng divorce bill na magbigay ng mas abot-kaya, mabilis, at makataong opsyon para sa mga nasa toxic at mapaminsalang relasyon.

Nakatakda pang magsagawa ng panibagong pagdinig ang komite habang binubuo ang technical working group upang pag-isahin ang iba’t ibang panukala ukol sa divorce law.