Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit tatlong taon na silang hindi nagkakausap ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, maging sa mga family gathering at okasyon ay hindi na rin dumadalo si Senador Imee Marcos. Ibinahagi umano ng Pangulo na matagal na silang walang komunikasyon at hindi na rin nagkikita sa mga pagtitipon ng pamilya.
Dagdag pa ni Castro, sinabi ng Pangulo na ilang taon na rin umanong hindi nagpapakita ang kanyang kapatid sa mga family event.
Sa naunang pahayag ni Senador Imee Marcos, sinabi nito na halos wala na silang ugnayan ng Pangulo at mahigit isang taon na rin siyang hindi nito nakikita. Mas pinipili na rin umano niyang hindi dumalo sa mga family reunion at hinahayaan na lamang ang kanyang mga anak kung nais sumama.
Samantala, ayon kay Castro, batay sa naging reaksiyon ng Pangulo, makikitang ito ay tila dismayado sa mga naging pahayag ng kanyang kapatid.











